warning: This post is in Filipino.
'Di natuloy ang training kagabi kaya nakauwi ako nang maaga. At dahil dapat ay may training, wala rin akong trabaho kagabi. Naalala ko iyong sinabi ni Kuya Carl na may mga FIFA games na pinapalabas sa studio 23 gabi-gabi kapag weekdays kaya inendeavor kong hintayin at panoorin iyon.
And what luck, dahil women's under-20 World Cup ang palabas kagabi (pagkatapos ng News Central - na kung saan na-update na naman ako sa mga pangyayari sa bansang Pilipinas at sa ibang parte ng mundo, at nakita ko pa si ate Maj as bonus). Ang laban ay sa pagitan ng Estados Unidos at Korea DPR (anong meron sa komunismo at mga bituin? isama mo na rin ang kulay pula.) Pagkakataon ito ng Korea DPR na depensahan ang titulong nakamit nila dalawang taon ang nakalilipas (noong 2006). So ibig sabihin tuwing dalawang taon ang nakalipas tsaka nagkakaroon ng U-20 women's world cup. Kala ko fixed na pag sinabi mong World Cup, apat na taon muna ang dapat lumipas. Anyway, sasaliksikin ko na lang ang katunayan mamaya, bilang nasa modang pagsususulat muna ako ngayon.
So... mga ilang obserbasyon lamang ang nais kong ipahatid sa post na ito (ano sa Filipino ang post?). Kaya heto't magsisimula na.
Una: Masyadong magkakamukha ang mga Koreyanong manlalaro. Pwede naman kasing iba-iba ang hairstyle nila bilang girls naman silang lahat, but no, kelangan pati ang haircut, uniform dapat. Boys' cut pa. Mukha tuloy silang lalaki, gaya ng sabi sa 'kin sa text ni Judy noong nagsisiumula pa lamang ang palabas.
Pangalawa: Wala pa silang beinte anyos? Hanga talaga ako. Hindi lang sa mga hitsura nila (pero medyo wala akong problema sa itsura ng mga Kano, bilang nasanay na ko sa kanila). Bukod sa parte na sila ng national team ng kani-kanilang bansa, the fact na ganun na ang kalibre ng paglalaro nila (at nakapag-qualify at narating ang stage na ito ng World Cup), ibang klaseng talento at training ang meron at napagdaanan nila. At ang laki ng field ha. Walang sinabi sa pinaglalaruan ng team ko sa Sunken kahit na naka-eleven-a-side na kami. At kaya nilang tumagal dun ng nobenta minutos at magawa ang mga ginagawa nila.
Pangatlo: Kudos sa Estados Unidos U-20 team! Although unang nagpakitang-gilas ang Korea DPR sa apat na shots on target laban sa wala ng EU nung mga unang beinte minuto, nahanap rin nila ang ritmo nila at sunud-sunod na inatake ang goal ng Korea. Sa unang half, lamang ang EU sa possession, around 65% ata. At nagbunga ito ng dalawang magandang goals, para gawing 2-0 ang score pagkatapos ng cuarenta'y cinco minuto.
Pang-apat: Oh yeah, pasintabi sa field. Wala man lang akong makitang hibla ng dahon. Marahil ay epekto iyong ng TV screen. O wala ring gaanong closeups sa ground level.
Panglima: Ang ganda ng kontrol at pasahan ng mga manlalaro ng EU. Ayos din ang positioning. Bawat long ball papunta sa goal nila ay may nakaantabay na defender para i-head palayo. Walang espasyong di napupunan ng mga players. Swabe ang galaw nila, lalo na sa passing. Tanggap ng bola, pasa, takbo, tanggap uli. Ang galing ng pace at reflexes ni Alex Morgan na siyang naka-iskor nung pangalawang goal. Biruin mo iyon, kalaban niya mga tatlong sunud-sunod na defender, at bago siya ma-block nung huling defender, itinira niya ang bola. Perfect shot. Pasok! Under pressure siya the whole time. Amazing.
Pang-anim: (Hmmm, dapat funny muna tapos serious notes ang order nito, pero dahil ayoko nang magbago pa ng mga subheadings ko, itutuloy ko nang ganito.) Sa Santiago, Chile pala ginanap ang kampeonato. Pero ang commentator naman ay mukhang taga-Kanluran at sanay sa Ingles. Medyo nakakatawa lang siyang pakinggan habang iniisa-isa niya ang pangalan ng mga Koreyanong manlalaro kapag sinusundan niya ang pagpasa nila ng bola. Mahahaba kasi ang mga pangalan nila. Tapos mabagal ang pagbigkas, at enunciated ang bawat letra. Parang kumakanta ba, medyo tumotono kasi si kuya.
Pampito: Ang mga long ball ng Korea galing sa kanilang mid ay hindi nakukuha ng kanilang mga forward. Kelangan pa nilang lapitan ang bola para hindi sila unahan ng mga EU defenders. Sayang naman, dahil marami dun ay pinaghihirapang makuha ng kanilang mga defenders, tapos di rin nila mapakikinabangan.
Pangwalo: Astig din ng determinasyon ng bawat isa sa mga manlalaro. Nagtrabaho talaga ng maigi ang Korea DPR nung second half. Walang patid ang pag-atake nila sa goal (naging 45% (Korea) - 55% (EU) ang possession pagkatapos ng game) kaya't todo defend din ang EU. May scene pa ngang parang nagagalit na ang isang defender nila dahil muntik nang pumasok ang bola. Iilang pagkakataon lamang ang binigay ng Korea sa EU para makarating ng striking area. Nagbunga ang lahat ng ito ng isang goal para sa Korea. Nakapasok din. Sayang nga lang at limang minuto na lang ang nalalabi. Baka mas napagbuti pa nila at nakakuha pa ng isang goal kung mas mahaba pa ang oras. Saludo rin ako sa inyo.
Pangsiyam: Ito, ngayon ko lang naalala. Dahil women's World Cup ito, puro babae ang mga opisyales at mga manggagawang makikita mo sa field. Pati ang mga players ay hawak-kamay ang mga batang babae paglabas nila ng field para sa panimulang seremonya. Nakakatuwa lang.
:)
1 comment:
huh, I'm lost but it looks beautiful and inviting. Do you have a site translator?
Post a Comment